Mga Paalala Kung Sakaling Iwan Ka Nya

Marc Angelo Martinez

Noong hindi ko pa naranasan magmahal o maniwala sa bawat bulong ng tadhana, laging palaisipan sa akin kung bakit may mga taong lubos na nagpapakabaliw at nagpapakalunod sa pagkawala at pag-iwan ng kanilang mga naging kasintahan o sa karaniwang tawag ay ‘ex’.  Bakit may mga taong akala mo hindi na mabubuhay kapag nagkahiwalay na sila? Bakit may mga taong nagpapakawala sa mundo na akala mo’y sila na lang ang nalalabing tao? O kaya’y bakit may mga taong pilit na tinutuldukan ang kanilang buhay dahil lang sa isang tao?

Ang daming katanungan na parang ang hirap sagutin ngunit minsan iisa lang ang tunay na sagot— dahil mahal mo ang taong iyon. Mahal mo kaya naman kahit ano gagawin mo bumalik lang siya. Lahat susunguin mo mahanap lang ang isang karayom sa lawak ng dagat para maging alay mo ng wagas mong pag-ibig. Lahat ay kaya mong gawin ngunit ang makalimot minsan hindi naging bahagi ng iyong pagpipilian. Dahil nga mahal mo o kaya’y mahal na mahal na mahal mo.

Wala akong intensyong pigilan ka sa likha kong ito, wala rin akong kagustuhan na iwan mo na siya habang hindi ka pa niya iniiwan o habang hindi pa malalim ang inyong pag-iibigan dahil alam ko patuloy ka pa rin na susugal hanggang makatagpo ka ng taong magiging totoo para sa iyo kaya’t ito ay isang paalala lang ang ito’y isang payong kaibigan lang.

Mahirap makalimot—mahirap lubayan ang lungkot kapag ito’y dumapo sa iyo sa tuwing maaalala mo siya at ang mga munting ala-ala ninyo. Mahirap tumakas sa mga bagay-bagay na alam mong kahit kailan ay hindi na mauulit o kaya nama’y hindi na muling mararamdaman ng maluwag sa puso ngunit alalahanin mo na ang mundo’y hindi likha para mapalitan lamang ng iisang tao. Hindi siya ang mundo mo. Hindi siya ang handang sumalo sa iyo sa araw-araw na pagkadapa mo sa iyong mga pagkakamali. Lalo’t hindi siya ang taong makikinig sa iyo o tatabi at magiging sandalan mo kapag galit na ang mundo sa iyo o kaya’y tinalikuran ka na nito. May mga taong maaaring gumanap dito. Hindi ka nag-iisa dahil walang taong nag-iisa. Dalhin mo ang tapang sa iyong puso dahil hindi ka nito bibiguin sa kahit ano pang pagsuko.

Hindi mo siya pag-aari at hindi ka niya pag-aari. Ito sana ang dapat maging malinaw sa kahit sinong tao o sa kahit sinong manhid na pilit pa rin sa pagdurusa kahit alam nang wala ng pag-asa. Ang pagmamahal ay hindi pag-aari sa isang tao. Kahit ikasal pa kayo sa dulo, mananaig pa rin ang pagkakaroon ninyo ng sariling pananaw, paniniwala at kagustuhan. Hindi ko naman sinasabi na huwag mo na siyang pakialaman ngunit marunong kang lumugar sa bawat desisyon na gagawin niya. Minsan ang trabaho mo lang ay ang suportahan siya at maniwala na kaya niyang tumayo sa sarili niyang paa. Ikaw din, kapag may sarili kang desisyon, huwag mong hayaan na manipulahin ka ng iisang tao lamang. Hindi ka niya pag-aari. Malaya ka sa mata ng bawat isa kaya huwag kang magpapatali.

Tuloy pa rin ang buhay. Mawala man siya, mawala ka man o mawala man kayo sa dulo kung saan kayo nagkatagpo—tuloy lang ang biyahe ng buhay. Tandaan mo, nabuhay ka noong mag-isa ka lang. Mag-isa ka man kumain, mag-isa manuod ng sine o kaya mag-isang umuwi, makakaya mo. Mahirap naman talaga lumayo sa mga dalang luha ng bawat ala-ala niya ngunit sana wag kang mag-inarte na katapusan na ng mundo dahil sa ayaw at sa gusto mo, iikot ito. Patuloy itong iikot sa iyo at sa kanya kahit hindi na kailanman magkasama. Naniniwala naman pa rin ako na kahit ubod ng tagal o hirap ang paghakbang mo na wala na siya ay may isang bagong umaga pa rin na gigising kang may ngiti at sa panahong iyon, nakalimot ka na. Malay mo naman isang taon o isang buwan lang basta ang mahalaga, nakalimot ka. Kaya naman kung sakali na iwan ka niya o nagpaparamdaman na siya na iiwan ka na niya, habang maaga pa, kumapit ka na, mag-ipon ng luha at magbaon ng tatag ng loob dahil mahaba-haba pa ang naghihintay sa iyong biyahe patungo sa iyong pagkabangon muli. Malay mo naman, makasakayan mo siya muli. Huwag nga lang umasa ulit!

151 total views, 2 views today

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *